Ikinuwento ng premyadong ABS-CBN journalist na si Doris Bigornia sa kaniyang interview kay Ogie Diaz, ang ikinagulat niyang tulong-pinansyal ng netizens noong panahon ng kaniyang gamutan.

Sa panayam kay Doris, napag-usapan nila ni Ogie ang kaniyang naging malubhang karamdaman na naging dahilan sa pagkawala niya sa telebisyon.

Aniya, sa tagal niyang pagtatrabaho ay tila nakalimutan niya na raw ang sariling kalusugan na nagdulot sa kaniya ng malubhang sakit.

“Nagkaroon ako ng sakit sa puso, na-triple bypass ako. Isang bagsakan ‘yon eh. Inatake ako sa puso, nasira iyong kidneys ko, mayroon akong high blood pressure, diabetic ako, lahat na,” ani Doris.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa kabila nito, talagang ikinagulat naman ni Doris ang buhos ng tulong-pinansyal mula sa netizens.

“Ang daming nagdasal para sa akin, ang daming tumulong sa akin financially. Iyon ang ikinagulat ko talaga na may mga tumulong,” aniya.

“Syempre nasa Asian Hospital ako, hindi naman barya-barya ang gastos doon ‘di ba, so talagang ikawiwindang mo,” dagdag pa niya.

Ibihanagi rin ni Doris ang kuwento ng isang 5 years old na batang tumulong sa kaniya.

“Mayroon doon isang bata, nag-text pa siya. ‘Sorry, mommy Doris, ito lang ang maibibigay ko para sa’yo, pero ipagdarasal pa rin kita,’ Five pesos ibinigay nu’ng bata,” kuwento ni Doris.

Sa huli, pokus ngayon ni Doris na ibalik sa netizens ang tulong niyang natanggap sa sariling pamamaraan.

“Kaya ngayon, ang focus ko is paano mapapa… hindi lang matulungan na ma-inform ‘yong mga tao, paano rin sila mapagaan ang buhay, ang feeling,” ani Doris.

“Na kahit marami kang problema sa buhay mo. Puwede ka pa ring tumawa, puwede ka pa ring maging masaya. Kasi iyon pala ang laking bagay pala ‘yon sa mga tao,” dagdag pa ni Doris.