Hindi bababa sa 22 inbidwal ang nasawi sa South Korea matapos bumuhos ang malalakas na ulan na nagdulot ng pagbaha, pagguho ng lupa, at pag-apaw ng ilang mga dam sa bansa, ayon sa mga opisyal nitong Sabado, Hulyo 15.
Sa ulat ng Agence France-Presse, bukod sa mga nasawi ay 14 din umano ang nawawala habang libu-libo ang inatasang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa malalakas na ulan sa South Korea sa huling tatlong araw.
Mayorya umano sa mga nasawi – kabilang na ang 16 na nasawi at siyam na nawawala – ay mula sa lalawigan ng North Gyeongsang, kung saan nagkaroon ng napakalaking pagguho ng lupa sa bulubunduking lugar na lumamon sa mga bahay.
Inihayag din ng interior ministry na mahigit sa 6,400 mga residente sa gitnang probinsya ng Goesan ang inutusang lumikas noong unang bahagi ng Sabado, kung kailan nagsimulang umapaw ang Goesan Dam at pinalubog ang mabababang kalapit na lugar.
Dagdag pa ng interior ministry, ang ilan sa mga taong naiulat na nawawala ay natangay magmula nang umapaw ang isang ilog sa lalawigan ng North Gyeongsang.
Dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha, sinarado na umano ang ilang mga kalsada at mga daanan sa national parks.
Naglabas naman ang Korea Meteorological Administration ng heavy rain warnings na tinatayang mararanasan umano hanggang sa Miyerkules sa susunod na linggo, Hulyo 19.
Samantala, hinimok ni South Korean Prime Minister Han Duck-soo ang mga opisyal na iwasan ang pag-apaw ng ilog at pagguho ng lupa, at humiling ng suporta sa rescue operations mula sa defence ministry.
Ang South Korea ay regular na tinatamaan ng pagbaha sa panahon ng summer monsoon, ngunit ang bansa ay karaniwang nakahanda rito, kaya't karaniwang medyo mababa umano ang bilang ng mga namamatay.
Noong nakaraang taon, 11 indibidwal naman umano ang nasawi dahil sa "record-breaking" na bilang ng mga pag-ulan at pagbaha.