Inihain ng Makabayan solons sa Kamara ang House Resolution No.1120 na naglalayon umanong imbestigahan ang ginamit na pondo para bagong logo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Sa inihaing resolusyon nina Act Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, binanggit ng mga ito na ang naging “contract price” para sa naturang bagong logo ay ₱3.036 milyon.
“The questionable procurement of Pagcor’s new logo raises concerns about possible corruption and misuse of public funds. We must hold those responsible accountable. Lubog na nga ang Pillpinas sa utang at umabot na ng ₱14.1 trilyon tapos nagsasayang ng pera sa ganito,” saad ni Castro sa isang pahayag nitong Huwebes, Hulyo 13.
Binigyang-diin din ng mga mambabatas na nananatili pa ring “most urgent national concerns” ng mga Pilipino ang pagkontrol sa inflation, pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa, paglikha ng mas maraming trabaho at pagbabawas ng kahirapan. Gayunpaman, anila, itinuring pa raw ng Pagcor na mahalaga ang paglalaan ng ₱3.036 milyon mula sa “taxpayer’s money” upang palitan logo nito.
Bukod dito, binanggit ng Makabayan solons na ang contractor ng logo na “PrintPlus” ay maliit at bagong kompaniya lamang base sa tala mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
"Netizens have noted the output’s similarities to the logos of a noodles brand and petroleum company, and that the new ₱3.036-million logo looks like something done by a Grade 1 pupil or a Kindergartner," saad pa ng mga mambabatas sa HR No.1120.
Isinapubliko ng Pagcor ang bago nitong logo noong Martes, Hulyo 11, sa kanilang ika-40 anibersaryo.
Agad namang naging usap-usapan ang naturang logo, kung saan hindi natuwa ang ilang mga netizen dahil parang may pinaggayahan lamang daw ito.
MAKI-BALITA: Netizens, ‘di natutuwa sa bagong logo ng PAGCOR: ‘Parang gasolinahan, sungay ni satanas’
Matatandaang nanawagan din ang Makabayan solons kamakailan na imbestigahan ang bagong slogan ng Department of Tourism (DOT) na “Love the Philippines” kung saan ginastusan naman umano ito ng ₱49 milyon.