Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Signal No. 1 ang ilang bahagi ng Luzon nitong Biyernes ng umaga, Hulyo 14, dahil sa Bagyong Dodong.
Sa tala ng PAGASA dakong 8:00 kaninang umaga, itinaas sa Signal No. 1 ang mga sumusunod na lugar:
Cagayan
Isabela
Apayao
Kalinga
Abra
Mountain Province
Ifugao, Benguet
Ilocos Norte
Ilocos Sur
La Union
Hilagang bahagi ng Pangasinan (San Nicolas, San Manuel, Sison, San Fabian, Pozorrubio, Bolinao, Bani, City of Alaminos, Sual, Labrador, Lingayen, Agno, Binmaley, Dagupan City, San Jacinto, Mangaldan, Anda)
Namataan umano ang mata ng Tropical Depression Dodong sa paligid ng Lasam, Cagayan na may maximum sustained winds na 45 kilometer per hour at pagbugsong 75 kilometer per hour.
Ayon pa sa PAGASA, kimikilos ang bagyo patungo sa hilaga hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometer per hour.
“In the next 24 hours, DODONG and the enhanced Southwest Monsoon may bring moderate to rough seas over the eastern (1.5 to 2.5 m) and western (2.0 to 3.5 m) seaboards of Northern Luzon, and the western seaboards of Central and Southern Luzon (2.0 to 3.5 m),” anang PAGASA.
Mananatili umanong isang tropical depression ang bagyong Dodong sa natitirang bahagi ng pagtawid nito sa mainland Northern Luzon.
Maaari naman itong umabot sa kategoryang tropical storm bukas ng hapon o gabi, Hulyo 15, habang nasa ibabaw ng West Philippine Sea.