Nagsampa ng kaso ang Animal Kingdom Foundation (AKF) at Philippine Animal Welfare Society (PAWS) laban sa security guard na naghagis ng tuta mula sa footbridge sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) sa Quezon City.
Nangyari ang umano’y pagtapon ng guwardiya sa tuta mula sa footbridge na nagkokonekta sa SM North EDSA The Block at Trinoma noong Martes, Hulyo 11, nang mabigo siyang mapaalis sa footbridge ang mga batang nag-aalaga rito, ayon sa nakasaksi na si Janine Santos.
Naging dahilan umano ito ng pagkasawi ng naturang tuta.
Matapos ang insidente, sinabi ng management ng SM North EDSA na sinisante na nila ang nasabing guwardiya at hindi na umano ito maaaring magserbisyo sa alinmang mall sa bansa.
MAKI-BALITA: Security guard na naghagis ng aso mula sa footbridge, sinisante
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng AKF na nagsampa na ito ng kaso laban sa security guard nitong Huwebes, Hulyo 13.
“Finally, we can seek justice in the court of law,” saad ng AKF.
“We thank everyone who have been instrumental in making the case filing possible. Thank you to the owners, witnesses, veterinarians and volunteer lawyers. And of course, WE THANK ALL OF YOU ADVOCATES, for being VIGILANT, for being the VOICE of the VOICELESS,” dagdag pa nito.
Samantala, inihayag naman ng PAWS sa isa ring Facebook post na nag-file sila ng criminal complaint laban sa nasabing sekyu nitong Biyernes, Hulyo 14.
Kasama umano ng PAWS ang witness na si Santos sa pagsasampa ng nasabing kaso.
Ayon kay PAWS Executive Director Anna Cabrera na siyang naghain ng kaso para sa organisasyon, mahalaga ang pagsasampa ng kaso laban sa “animal offenders.”
“Evil acts such as this is always a precursor to violence against human beings. There are many studies that show the strong link between cruelty to animals and crimes committed against human beings,” ani Cabrera.
“We are one with those who have expressed outrage and anger against this brutal crime. We thank everyone on that footbridge who spoke up and we thank the people who emailed to inform us about this incident,” saad pa niya.
Sinabi rin ni Cabrera na ang pagsampa ng kaso hinggil sa naturang paglabag sa “Animal Welfare Act” ay isa umanong pagpapakita ng kanilang “collective commitment” para sa isang tunay na makataong lipunan.
“The law that protects animals is a law that protects us all from being victims of future acts of violence,” aniya.
Matatandaang kamakailan lamang ay inihayag din ng Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) na iniimbestigahan na nila ang pangyayari.
Sakaling mapatunayan umanong may naging paglabag ang mga sangkot sa polisiya ng PNP-SOSIA, maaari silang suspendihin o bawian ng lisensya.
MAKI-BALITA: Sekyu na naghagis ng aso mula sa footbridge, posibleng mawalan ng lisensya – PNP-SOSIA