Sinisante ang security guard sa isang mall matapos umano nitong ihagis ang isang tuta sa kalsada mula sa footbridge sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) sa Quezon City.

Kuwento ng nakasaksi na si Janine Santos sa isang Facebook post, nangyari ang insidente noong Martes, Hulyo 11, kung saan pinapaalis daw ng guwardiya ang isang grupo ng mga bata sa footbridge na nagkokonekta sa SM North EDSA The Block at Trinoma.

Dahil ayaw umanong umalis ng mga bata, doon na raw tinapon ng guwardiya ang kanilang tuta mula sa nasabing footbridge.

National

Malacañang, inalmahan si Ex-Pres. Duterte: ‘He should respect the constitution!’

Agad naman umanong idinala ang tuta sa pinakamalapit na beterinaryo, ngunit sa kasamaang palad, dead on arrival ito dahil sa brain damage at internal bleeding.

Kinondena naman ng management ng SM North EDSA ang naturang ginawa ng security guard.

“As a pet-friendly establishment, we strongly condemn any acts that endanger or harm the lives of animals,” anang SM North Edsa sa isang pahayag nitong Miyerkules, Hulyo 12.

“With extreme sadness, we sympathize with the group of youngsters regarding the incident that happened outside our mall today.”

Sinabi rin ng management na sinisante na nila ang nasabing guwardiya at hindi na umano ito maaaring magserbisyo sa alinmang mall sa bansa.

“We have called the attention of the security agency to conduct an immediate and thorough investigation into the matter. The Security Guard has been dismissed and is no longer allowed to service any of our malls nationwide,” saad nito.