Patuloy pa rin sa pagbaba ang nationwide positivity rate ng Covid-19 sa Pilipinas.
Batay sa datos na ibinahagi ni Dr. Guido David ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Miyerkules ng gabi, nabatid na nasa 5.9% na lamang ang nationwide positivity rate hanggang nitong Hulyo 12, 2023.
Ito’y pagbaba mula naitalang 6.0% na nationwide positivity rate noong Hulyo 11, 2023.
Ayon kay David, nakapagtala rin ang Pilipinas ng 285 bagong kaso ng sakit sa nasabing petsa.
Sanhi nito, umaabot na sa 4,168,722 ang total Covid-19 positivity rate sa bansa.
Gayunman, sa naturang bilang, 6,132 na lamang ang itinuturing na aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.
Umaabot naman na sa kabuuang 66,499 ang Covid-19 deaths sa bansa, matapos na madagdagan pa ng lima, sa nasabi ring petsa.
Samantala, ang total Covid-19 recoveries naman ay nasa 4,096,091 na matapos na madagdagan pa ng 300 pasyente na gumaling mula sa karamdaman.
“July 12 2023 DOH reported 285 new cases, 5 deaths, 300 recoveries 6132 active cases. 5.9% 7-day positivity rate. 53 cases in NCR. Projecting 250-350 new cases on 7.13.23,” tweet pa ni David.
Una nang iniulat ni David na ang positivity rates sa National Capital Region (NCR) ay pumalo na sa 4.2% na lamang noong Hulyo 8, 2023 o nasa low classification na.