Naantig ang puso ng mga netizen sa video ng isang lolong kasa-kasamang umakyat sa entablado ang mga apong dumalo sa moving up at graduation ceremony, kahit hirap na siyang maglakad at umakyat-panaog sa hagdanan, masamahan lamang ang mga apong nagdala ng karangalan sa kanilang pag-aaral.

Ibinahagi ng gurong si "Cyrell Jones Sidlao" ng Sindangan Elementary School sa Zamboanga Del Norte, ang heart-warming video ng lolo, na 87-anyos na pala!

Sa video, makikitang hawak-kamay at akay-akay ng kanilang mga apo ang lolo sa pag-akyat sa entablado. Kitang-kita naman ang kasiyahan sa mukha nito.

"This really melts my heart. Lolo is 87 years old yet siya naghatid sa dalawang apo niya for moving up & graduation. I can feel his love, happiness, excitement & support sa kaniyang apo."

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

"Sa mga lolo at lola jan na andyan palagi sa kanilang apo. Maraming salamat & mabuhay kayo," saad sa caption ng guro sa kaniyang viral Facebook post.

Bukod sa pagsama sa mga apo sa entablado upang kunin at isabit ang kanilang mga parangal, napitikan pa itong kinukuhanan ng larawan ang isang apo gamit ang smartphone.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Marina Carvajal, anak ni Lolo Segundo Gargar Timtim, hiniling daw nitong siya ang umakyat sa entablado kasama ng mga apo.

"Gusto po kasi ng tatay ko na s'ya ang umattend sa graduation po ng apo n'ya, hehe, support po sa apo," anang Marina.

Noong Hulyo 10, 2023 ay nagdiwang ng kaniyang ika-87 kaarawan si Lolo Segundo.

Sa kasalukuyan ay nasa 1.1k reactions, 117 shares at 76 comments ang nabanggit na FB post.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!