Umaabot na sa 600 pamilyang Manilenyo ang napagkalooban ng sariling lupa ng Manila City Government sa unang taon pa lamang sa puwesto ni Mayor Honey Lacuna.

Ayon kay Lacuna, plano pa niyang mamahagi ng may 330 lupa sa darating na mga buwan, at bumili ng mga pribadong lupa, upang maipamahagi ito sa may 1,899 pang pamilya sa lungsod.

Pangako pa ni Lacuna, gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang matupad ang pangarap na magmay-ari ng sariling lupa ang mga landless Manilenyo.

“Ang matagal na nilang pangarap, nais kong bigyan naman natin ng katuparan,” pahayag pa ng alkalde.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Samantala, sinabi rin ni Lacuna na patuloy ang pagsasagawa ng mga infrastructure projects sa lungsod, kabilang na dito ang rehabilitasyon ng Lagusnilad, kahit pa ito’y nasa ilalim ng pangangasiwa ng national government.

Dagdag pa ng alkalde, nakapagtatag na rin sila ng animal shelter at veterinarian clinic sa Vitas, Tondo, gayundin ng slaughterhouse at columbarium sa Manila North Cemetery.

Tuloy-tuloy rin aniya ang pagpapailaw ng mga pangunahing daan at kalye nang walang abala upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pedestrians, motorista at nagpapatrolyang barangay officers sa gabi.

“Nasasalamin ang kaunlaran ng isang lugar sa maayos na infrastructure,” pahayag pa ni Lacuna.

Nangako rin naman ang alkalde na mas marami pang mga nakalinyang proyekto ang gagawin ng kanyang administrasyon sa mga susunod na taon.