Gov't, nagdagdag ng Kadiwa ng Pangulo sa Butuan City
Isa na namang Kadiwa ng Pangulo (KNP) ang binuksan sa Butuan City sa Agusan del Norte.
Nitong Miyerkules, binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kabubukas na KNP site sa Provincial Capitol Grounds sa lungsod na nag-aalok ng abot-kaya at de-kalidad na produkto.
Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na patuloy ang pagbubukas ng KNP sa iba pang lugar sa bansa hangga’t hindi pa nakababawi ang taumbayan sa epekto ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) at iba pang pagsubok sa ekonomiya.
"Kahit na ano pang gawin natin na pagandahin ang ekonomiya, kung hindi natin maayos ang agrikultura, hindi po natin mapapaganda at mapagtitibay ang ekonomiya, lalo ngayon, maraming pangyayari, maraming pagbabago," anang Pangulo.
Kaugnay nito, pinangunahan din ni Marcos ang ceremonial turnover ng iba't ibang tulong ng pamahalaan sa mahihirap na pamilya sa naturang lugar.
Nakibahagi naman sa job fair at pamamahagi ng tulong ang mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
PNA