Tinulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pamilyang naapektuhan ng oil spill sa Southern Leyte kamakailan.

Sa social media post ng DSWD Field Office 8, nasa 300 family food packs (FFPs) ang ipinadala ng ahensya sa mga pamilyang naapektuhan ng insidente sa Barangay Benit, Cabutan at Timba sa San Ricardo, Southern Leyte nitong Hulyo 11.

Nilinaw ng DSWD, bahagi ito ng paunang tulong ng ahensya at dagdag lamang ito sa naipamahaging relief goods ng local government ng San Ricardo.

Bukod dito, ipatutupad din ng DSWD ang food-for-work program kung saan mamahagi rin sila ng karagdagang FFPs kaopalit ng serbisyo ng mga apektadong residente.

Matatandaang naapektuhan ng insidente ang karagatang bahagi ng San Ricardo matapos tumagas ang langis sa isang barkong nakadaong sa Benit Port nitong Hulyo 7.

Dahil sa insidente, inabisuhan ng mga awtoridad ang mga residente na huwag na munang mangisda kaya nawalan ng pagkakakitaan ang mga ito.