Aprubado na ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang panukalang hatiin sa tatlo ang Archdiocese of Cebu.

Sa isang video na ipinaskil sa opisyal na Facebook page ng Archdiocese, mismong si Cebu Archbishop Jose Palma ang nag-anunsiyo ng magandang balita habang dumadalo sa idinaos na 126th plenary council ng CBCP kamakailan.

Nabatid na iprinisinta ni Palma sa plenaryo ang kanilang ‘Sugbuswak’ proposal na hatiin ang arkidiyoses at lumikha pa ng mga karagdagang diyosesis, at nakakuha naman ito ng unanimous approval mula sa CBCP.

“While on the 126th CBCP Plenary Assembly, Cebu Archbishop Jose S. Palma wishes to inform all the Cebuano faithful about the result of the presentation of the SUGBUSWAK Proposal to all the Bishops in the country. It got the approval of the CBCP Body,” paskil pa ng arkidiyosesis, bilang caption ng video.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Gayunman, nabatid na ang pag-apruba dito ng CBCP ay isa lamang sa mga requirements ng Vatican upang pahintulutan ang paglikha ng mga bagong diyosesis sa Cebu.

Sa ilalim ng panukala, hahatiin ang arkidiyosesis sa tatlo kung saan ang arkidiyosesis ang magiging mother church, habang maglalagay ng tig-isang diocese sa northern Cebu at southern Cebu.

Sinabi rin ni Palma na maaaring maipadala nila ang ‘Sugbuwak’ proposal sa Roma para sa pag-apruba rito, sa susunod na taon.

“We hope to come up with the final picture by January and send it to Rome… that might happen next year,” aniya pa.

Una nang ipinaliwanag ni Palma na ang ibig sabihin ng ‘Sugbuswak’ ay blossoming o pamumulaklak, upang higit pang mapagsilbihan ang mas maraming tao sa mga liblib na lugar sa Cebu.