Tinatayang 511 rockfall events at tatlong pagyanig ang naitala sa Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa tala ng Phivolcs nitong Martes, Hulyo 11, nagkaroon din umano ng 38 Pyroclastic Density Current events.

Namataan din ang mabagal na pagdaloy ng lava na may haba na 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully at 1.4 kilometro sa Bonga Gully at pagguho ng lava hanggang 4 kilometro mula sa crater ng bulkan.

Samantala, naiulat ngayong araw ang pagkakaroon ng katamtamang pagsingaw ng usok na may taas na 800 metro at napadpad sa gawing timog-timog-kanluran at timog-kanluran.

Eleksyon

Comelec, nagsalita tungkol sa source code na nasa ACM

Nasa 721 tonelada ng sulfur dioxide flux naman kada araw ang ibinuga ng Bulkang Mayon mula nitong Lunes, Hunyo 10, at nananatili pa rin ang pamamaga nito.

Naobserbahan umano ang naturang pag-aalburoto ng bulkan dakong 5:00 ng madaling araw nitong Lunes, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Martes.

Ayon sa Phivolcs, maaaring maganap ang pagguho ng bato, pag-itsa ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.

Kaya naman, mariing ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.

Nananatili pa rin sa Alert Level 3 (increased tendency towards a hazardous eruption) ang Bulkang Mayon.