"Dito sa Maynila, walang iniiwan. Lahat kasama, lahat mahalaga," ito ang ipinagmalaki ni Manila Mayor Honey Lacuna sa pagdaraos ng kanyang kauna-unahang state of the city address (SOCA) nitong Martes, Hulyo 11.

Ayon kay Lacuna, ito rin ang siyang prinsipyong gumagabay at patuloy na gagabay sa panunungkulan ng kaniyang administrasyon sa mga mamamayan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Binigyang-diin pa ng alkalde na ang lakas at adhikain ng kaniyang tanggapan ay nakasalalay sa mamamayan ng Maynila.

Kaugnay nito, inisa-isa rin ni Lacuna ang kaniyang mga napagtagumpayan sa unang taon sa tanggapan.

Pinasalamatan din niya ang mga tumulong sa kaniya upang makamit ang tagumpay.

Kabilang na dito ang kaniyang mga kapwa manggagawa sa local government unit sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo, mga miyembro ng Manila City Council, anim na Manila Congressmen at ang mga residente ng Maynila na walang sawang tumutulong, sumusuporta at nakikipag-kooperasyon sa kanila.

Ipinagmalaki pa ng lady mayor ang mga pagkilala at karangalan natamo ng lungsod kung saan nagpamalas ito ng kahusayan sa aspeto ng turismo, edukasyon, kalusugan, environment, finance at business.

Inulat din ng alkalde na ang kaniyang administrasyon ay nakapagpamahagi sa may 180,000 senior citizens ng kanilang updated monthly allowances, birthday cakes, senior food supplies, weekly free entrance sa Manila Zoo at monthly allocation ng mga gamot mula sa 44 health centers ng Maynila.

May 20,000 mag-aaral naman sa city-run Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ang nabigyan ng kanilang monthly allowance na P1,000 bawat isa, habang may mahigit na 4,000 mag-aaral naman mula sa elementary at high school ang nabigyan ng  financial aid sa pamamagitan ng city’s educational assistance program, kabilang din dito ang may mahigit  6,000 estudyante sa senior high mula sa public schools, ito ay bukod pa sa probisyong uniporme, bags at school supplies para sa  elementary at high school students.

Nakapagbigay din ang lungsod ng milyung-milyong halaga ng allowance para sa may 14,735 solo parents at P200 milyong allowance naman para sa 35,000 persons with disability.

Nakapagbigay din ng trabaho sa mga senior citizens at PWDs ang lungsod, gayundin sa may 3,000 walang trabahong Manilenyo at ito ay mula sa monthly job fairs na ginagawa ng lungsod, kabilang na ang mga ginagawa sa  “Kalinga sa Maynila”,  Trabado, Tupad, GIP at SPES programs. Nakapagbigay rin ang pamahalaang lungsod ng mahigit na P3 million capital assistance sa libu-libong Manileño.

Ayon kay Lacuna, kinukunsidera niya bilang realisasyon ng kaniyang pananaw ay ang tiyakin na ang lahat ng Manileño ay napaglilingkuran at may paraan na makakuha ng mga pangunahing serbisyo. Ang paglulunsad ng kanyang “Kalinga sa Maynila (Pulong-Pulong sa Pagtulong)” kung saan ang nasabing serbisyo ay direkta dinadala sa mga komunidad sa pamamagitan ng kanilang lingguhang o dalawang beses sa isang linggong fora.

“Sa pakikipag-usap sa ating kababayan, layon ang direktang pagdulog ng tao sa pamahalaan. Nagsisilbi itong daan upang maiparating nila ang kanilang mga obserbasyon, suhestiyon,  hinaing at reklamo kung meron man,”  sabi ng alkalde sa kaniyang  ‘Kalinga’ program. Dagdag pa rito ang bawat forum ay may mga help desks na kumakatawan sa iba't-ibang tanggapan sa City Hall upang tumulong sa mga residente.

“Ito ang nagbibigay pagkakataon na lahat ay mapaglingkuran ng iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaang-lokal… isang mahusay na paraan upang agad-agad ay  matugunan at maibigay ang mga pangangailangan ng mga tao doon mismo sa kanilang pamayanan.. upang ipadama ang katuparan ng pangako na ihatid ang serbisyo diretso sa tao,” sabi pa ni Lacuna.

Ipinahayag ng alkalde ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kaniya na maisakatuparan ang kaniyang Kalinga program at sa mga residente na patuloy na sumusuporta at naniniwala sa kaniya, kasabay ng kaniyang pangako na mas marami pang programa ang ilulunsad sa darating na taon upang higit na mapakinabangan ng mas mga nangangailangang sektor ng lungsod.