Inihayag ni San Juan Mayor Francis Zamora, na siya ring pangulo ng Metro Manila Council (MMC), nitong Lunes na maaaring magdesisyon ang mga local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) sa kanilang mga sarili kung ire-regulate ang paggamit ng tubig ng ilang establisimyento sa kani-kanilang nasasakupan.

Ito’y kasunod na rin ng nakaambang krisis sa tubig dahil sa El Niño phenomenon.

Sa panayam sa telebisyon, ipinaliwanag ni Zamora na ipinauubaya nila sa iba’t ibang LGUs ang desisyon hinggil dito dahil hindi naman pare-pareho ang demographics ng mga lungsod.

Ayon kay Zamora, hindi lahat ng lungsod sa rehiyon ay mayroong mga establisimyento na kumukonsumo ng maraming tubig, gaya ng mga golf course at mga hotels na mayroong swimming pools.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Depende na rin aniya sa mga LGUs kung magpapasa sila ng kani-kanilang ordinansa hinggil dito.

Nanawagan rin naman si Zamora sa mga lokal na pamahalaan na hangga't maaari ay magtipid at mag-recycle ng tubig upang makatulong na mabawasan ang epekto ng El Niño.

Maaari rin aniyang magpatupad ng rainwater catchment system upang makapangolekta ng tubig-ulan na maaaring gamitin sa ibang bagay.

Tiniyak rin ni Zamora na suportado ng MMC ang panawagan ng Water Resources Management Office (WRMO) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga opisyal ng barangay at mga property managers na abisuhan ang mga residente na bawasan ang mga aktibidad na may malakas na konsumo ng tubig.