Magandang balita para sa mga kostumer ng Manila Electric Company (Meralco).

Ito’y dahil bababa ng ₱0.7213 kada kilowatt hour (kWh) ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan ng Hulyo.

Dahil dito, ang overall electricity rate ng isang typical household ay aabot na lamang sa ₱11.1899/kWh mula sa dating ₱11.9112/kWh noong nakaraang buwan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa abiso ng Meralco, nabatid na ang tapyas sa singil ay dulot ng pagbaba ng presyo ng kuryente mula sa mga suppliers o generation charge.

Bumaba rin umano ang charges ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM), power supply agreements (PSAs) at mga independent power producers (IPPs).

Maging ang transmission at other charges, kabilang na ang taxes at subsidies, ay nakapagtala rin anila ng net reduction.

Anang Meralco, ang naturang bawas-singil ay katumbas ng ₱144 na bawas sa bayarin ng mga kostumer na kumukonsumo ng 200kwh kada buwan; ₱216 tipid sa mga nakakagamit ng 300kwh na kuryente kada buwan; 288 sa mga nasa 400kwh ang nagagamit na kuryente kada buwan at ₱360 naman sa mga kumokonsumo ng 500kwh kada buwan.

Kaugnay nito, nanawagan rin naman ang Meralco sa kanilang mga kostumer na mag-aplay ng lifeline discounts, kasunod ng pag-amiyenda sa rules para sa kanilang Lifeline Rate program.

Kabilang sa mga kuwalipikadong mag-apply dito ay mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o mga miyembro ng marginalized sector na nakakuha ng sertipikasyon mula sa lokal na social welfare and development office.