Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na nakapagtala ang Pilipinas ng mahigit sa 72,000 kaso ng dengue sa bansa sa unang anim na buwan ng taong 2023.
Batay sa datos ng Epidemiology Bureau (EB) ng DOH, mula Enero 1 hanggang Hunyo 17, 2023 lamang ay nasa 72,333 ang dengue cases na kanilang naitala sa bansa.
Ito ay mas mataas ng 14% na porsiyento kumpara sa naitalang bilang sa kaparehong panahon noong 2022.
Ayon sa DOH, nasa 249 naman ang kumpirmadong nasawi dahil sa dengue ngunit ito ay mas mababa kumpara sa 287 na nairekord sa kaparehong panahon noong nakalipas na taon.
Nabatid na pinakamarami pa ring dengue cases ang naitala sa National Capital Region (NCR) na nasa 8,470.
Sinundan ito ng Region 11 o Davao Region na mayroong 7,689 dengue cases; at Region 4A o CALABARZON, 7,534 na mga kaso.
Kaugnay nito, mahigpit pa rin ang paalala ng DOH sa publiko na mag-ingat laban sa dengue lalo na ngayong panahon na ng El Niño sa bansa.
Una nang sinabi ng DOH na malaki ang posibilidad na magkaroon ng dengue outbreak ngayong panahon ng tagtuyot dahil maraming tao ang nag-iigib at nag-iimbak ng tubig na maaaring pamugaran ng mga dengue-carrying mosquitoes.