Tumindi pa ang pagbuga ng mga bato ng Bulkang Mayon na nakapagtala rin ng mahigit 100 na pagyanig sa nakalipas na 24 oras.

Sa pagmamanman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nasa 109 pagyanig ang naitala sa bulkan, bukod pa ang 325 rockfall events, 19 dome collapse pyroclastic density currents (PDC), at apat na lava front collapse PDC.

Tinabunan na naman ng lava na umabot sa 2.8 kilometro ang Mi-isi Gully habang nasa 1.4 kilometro naman ng lava ang rumagasa sa Bonga Gully na nasa timog silangan ng Mayon Volcano.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Nasa 943 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan nitong Hulyo 9.

Nitong Hulyo 9, nairekord ng Phivolcs ang 26 pagyanig ng bulkan at 303 beses na pagbuga ng mga bato.

Binabantayan pa rin ng mga awtoridad ang 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) ng bulkan na bawal pa ring puntahan ng mga residente at turista dahil sa nakaambang pagsabog nito.

Kamakailan, nasa 50 pamilya na nananatili pa rin sa kanilang lugar sa Barangay Anoling, Camalig sa Albay ang inilikas ng mga awtoridad.

Saklaw pa rin ng PDZ ang nasabing lugar, ayon pa sa Phivolcs.