Nalampasan na umano ng “Twitter killer” na Threads ang record ng AI tool na ChatGPT pagdating sa “fastest-growing consumer app” dahil ayon sa data tracking websites nitong Lunes, Hulyo 10, umabot na sa 100 milyon ang users ng naturang bagong text-based app makalipas lamang ang limang araw mula nang ilunsad ito.
Sa ulat ng Agence-France Presse, umabot sa dalawang buwan ang ChatGPT bago nagkaroon ng 100 million users.
Samantala, umabot umano ang video-sharing app na TikTok took ng siyam na buwan bago makakuha ng 100 million users, habang dalawa at kalahating taon ang inabot ng Instagram matapos itong ilunsad noong 2010.
Matatandaang opisyal na inilunsad ng Meta ang Threads noong Huwebes, Hulyo 6.
Ang naturang bagong app ay pinaniniwalaang pantapat sa Twitter na pag-aari at pinamamahalaan ni Elon Musk.
MAKI-BALITA: Meta, inilunsad ‘Threads’ app na pantapat daw sa Twitter
Ilang oras matapos ilunsad ang Threads, nag-tweet si Meta chief executive at Facebook founder Mark Zuckerberg ng isang “meme” tungkol sa dalawang Spiderman cartoon na tinuturo ang isa’t isa, kung saan maaaring pinatutungkulan umano nito ang pagkakapareho ng Threads at Twitter.
Ang naturang tweet ang pinakaunang Twitter post ng Meta CEO mula Enero 2012.
MAKI-BALITA: ‘Matapos ilunsad ang Twitter rival na Threads’: Zuckerberg, nag-tweet ng ‘meme’
Samantala, makalipas din ang ilang oras ng paglulunsad ng naturang bagong app, nagbanta si Musk na idedemanda ang Meta dahil sa akusasyong kumuha umano ang Meta ng mga dating empleyado ng Twitter na may access pa rin daw sa “trade secrets” at iba pang “highly confidential information” ng naturang app.
MAKI-BALITA: ‘Matapos ilunsad ang Twitter rival na Threads’: Musk, nagbantang idedemanda ang Meta
Mayroon umanong 200 million regular users ang Twitter, ngunit nahaharap ito sa ilang isyu mula nang bilhin ni Musk ang plataporma noong nakaraang taon, ayon pa sa ulat ng AFP.
Matatandaang kamakailan lamang ay inanunsyo ni Musk na pansamantala nilang nililimitahan ang bilang ng tweets na maaaring makita o mabasa ng isang user kada araw.
MAKI-BALITA: Twitter, nilimitahan bilang ng tweets na pwedeng makita ng users kada araw