Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang unang sumalang sa drug testing na isinagawa sa mga opisyal at empleyado ng city hall nitong Lunes.
Nanawagan din naman ang alkalde sa lahat ng opisyal at empleyado ng city hall na magpa-drug test na rin, na naka-mandato sa isang memorandum na inilabas ng Civil Service Commission (CSC).
Tiniyak ng alkalde na ang pagsusuri ay libre lamang at makatutulong ito upang mabigyan ang mga manggagawa ng bawat tanggapan, departamento at kagawaran, ng kapanatagan ng isip na sila ay nagtatrabaho sa isang drug-free environment.
Binigyang-diin pa ni Lacuna na bilang public servants, ang mga opisyal at mga kawani ng city hall ay dapat na magsilbing role models, sa pamamagitan ng pag-iwas sa bisyo, lalo na sa ipinagbabawal na gamot.
Sakali namang makumpirma na sila ay gumagamit nga ng ilegal na droga, sila ay isasailalim sa rehabilitasyon.
Ayon naman kay Atty. Princess Abante, na siyang tagapagsalita ni Lacuna, ang pagsusuri ay gagawin hanggang Hulyo 28, 2023, tuwing office hours.
Nasa 8,000 kawani aniya ng city hall ang sasailalim sa nasabing tests.