Nagbigay ng reaksiyon ang GMA news anchor na si Arnold Clavio o "Igan" hinggil sa isyung kinasangkutan kamakailan ng National Bureau of Investigation o NBI na talaga namang naging usap-usapan ng mga netizen at maging ng mga opisyal ng pamahalaan.

Binatikos ng mga netizen ang pag-anyaya ng mga babaeng sexy dancers sa fellowship activity ng kawanihan pagkatapos ng command conference noong nakaraang linggo.

Humingi na ng dispensa si NBI Director Medardo De Lemos dahil sa mga nangyari. Sinabi niya ring wala siya sa venue nang mangyari ang bikini dance.

Pati ang grupong "Gabriella" ay nanawagan na ring dapat may managot sa nabanggit na usapin.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ilan sa mga kilalang personalidad ay nagbigay na rin ng saloobin tungkol dito, kabilang na rin si "Igan." Mababasa ito sa kaniyang Instagram post noong Hulyo 7, 2023.

Kalakip ng kaniyang IG post ang viral video na kuha sa nabanggit na fellowship activity ng kawanihan. Sa unang bahagi ay nagbigay siya ng background kung ano ang kuwento sa likod ng nabanggit na video.

Na-quote pa ni Igan ang naging pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin na, “Ito ang mga anyo ng maling pag-uugali na hindi natin kailangan sa bansa.”

Sey ni Igan, "Ang abuso sa (loob) ng gobyerno ay nagpapatuloy at lalo pang lumalala dahil sa malumanay na pag-aksyon laban dito."

Sa comment section ay ipinagpatuloy ng mamamahayag ang kaniyang pagbibigay ng "walang personalang" opinyon tungkol dito.

Nabanggit niya ang naging kontrobersiya noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo tungkol sa pagsambit ng "sorry." Marami na umano ang nagsigaya sa kaniya. Kaya raw, tila "nakabibingi" na raw sa tenga ang mga pagpapaumanhin ng matataas na opisyal ng pamahalaan sa tuwing nasasangkot sa isyu.

Dapat daw, ang pagsasabi ng "sorry" ay may kaakibat na mabigat na parusa. Para kay Igan, mas mainam pa raw ang pagbitiw sa tungkulin at akuin ang responsibilidad.

"Simula nang sambitin ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang 'I am Sorry,' matapos na malantad ang pakikipag-usap niya kay COMELEC Commissioner Virgilio Garci sa kasagsagan ng Eleksyon 2004, marami na ang sumunod sa kanya."

"Nakakabingi na ang paghingi ng tawad ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa kabila ng malaking halaga ng pera ng bayan ang sangkot o pagkawala na ng tiwala at integridad."

"Ang pagsambit ng ‘SORRY’ ay marapat na may kaakibat na mabigat na parusa at hindi layong kalimutan na lang ang lahat."

"Sa bigat ng eskandalo ng nasasangkot, di na kailangan ang paliwanag at sa interes ng integridad ng kanyang tanggapan, mas maginoo pa ang magbitiw at akuin ang (responsibilidad)."

"Pero, hindi sa Pilipinas, kung saan mas nangingibabaw ang kapal ng mukha at pagkamanhid," anang Igan.

Nalulungkot umano ang news anchor at komentarista na sa isang taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ay "sinasalubong siya ng mga kapalpakan."

"Nakalulungkot na ang isang taon ng pamamahala ni Pangulong Bongbong Marcos sa Pilipinas ay siinasalubong ng kaliwa’t kanang kapalpakan - DOT, Gadon, NBI..."

"Nasa sa kamay lang ni BBM maibabalik ang kaayusan ng lahat. Walang Personalan," saad sa dulo ni Arnold Clavio.

MAKI-BALITA: Director De Lemos, nag-sorry sa pagkakaroon ng ‘sexy dancers’ sa NBI fellowship