Binalaan ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ang publiko laban sa ilang karamdamang maaaring manalasa ngayong panahon ng El Niño.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na may malaking epekto ang panahon sa kalusugan ng publiko.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, sa ganitong panahon, dapat na maging maingat at mapagbantay ang publiko laban sa vector-borne diseases gaya ng dengue, at mga waterborne diseases, gaya ng cholera at diarrhea.

Anang kalihim, “I will order our disaster program to actually look into this para ma-address. Hindi ito kagaya ng bagyo. It’s insidious, mas mabagal, so the effects are kinda huli na ‘pag nalaman mo. It’s better to be prepared for these hazards of El Niño.”

Sa kanyang panig, sinabi naman ni DOH spokesperson Undersecretary Enrique Tayag na panahon din ng El Niño nang maganap ang isang dengue fever outbreak noong 1998.

Paliwanag niya, sa panahon ng El Niño, ang tendency ng mga tao ay mag-igib at mag-imbak ng tubig kaya’t maraming water containers na maaaring pamahayan ng mga lamok.

“Kung titignan parang paradox—merong tag-tuyot eh ba’t nagkaroon ng dengue,” aniya pa.

Sinabi pa ni Tayag na naglabas na si Herbosa ng mga guidelines na maaaring sundin ng mga pagamutan ngayong nagbabadyang magkaroon ng krisis sa tubig dahil sa El Niño.