Isang cashier ang patay nang makuryente habang naglilinis ng tubig-baha matapos na bahain ang loob ng tindahan na kaniyang pinagtatrabahuhan sa Tondo, Manila, nitong Linggo ng gabi.

Wala nang buhay ang biktimang si Wetinton Garcia, 26, residente ng Tondo, Manila nang maisugod ng mga otoridad sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)- Tondo Police Station 2 (PS-2), nabatid na dakong alas-7:29 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng isang tindahan ng lechong manok, na matatagpuan sa Jose Abad Santos St. sa Tondo.

Sa salaysay ng store manager na si Filemon Romero, bago ang insidente ay nagkaroon ng malakas na pag-ulan sa lugar, sanhi upang bumaha, na umabot sa loob ng kanilang tindahan.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Kasalukuyan na umanong naglilinis ng tubig-baha sina Garcia at Romero nang biglang mawalan ng suplay ng kuryente, ngunit kaagad din itong naibalik matapos ang ilang minuto.

Ani Romero, narinig pa niya ang biktima na sumigaw nang ‘may ground’ kaya’t mabilis na siyang tumalon palabas ng tindahan matapos na maramdaman ang pagdaloy ng kuryente.

Kaagad ding humingi ng tulong sa barangay si Romero upang mailigtas ang biktima ngunit hindi na ito naisalba pa ng mga doktor.

Lumitaw sa imbestigasyon na ‘Fatal Arrhythmia Secondary to Electric Injury" ang ikinasawi ng biktima.