CAMP OLA, Albay - Patay ang dalawang pulis matapos barilin ng isang dating sundalo at isa pang kasamahan habang nagpapatrulya sa Oas, Albay nitong Linggo ng gabi.

Kaagad na nasawi sina Police Chief Master Sgt. Joseph Ostonal, 43, taga-Ligao City, Albay, at Corporal Jeffrey Refereza, 35, taga-Libon, Albay, at kapwa nakatalaga sa Oas Municipal Police Station.

Sa pahayag ni Police Regional Office-5 spokesperson, Lt. Col. Malu Calubaquib, kaagad namang inaresto ang dalawang suspek na sina Fernan Regala Jardinel, 37, isang AWOL (Absent Without Official Leave) member ng Philippine Army-65th Infantry Battalion, 9th Infantry Division sa Marawi City, at Richard Bonaobra, 35, kapwa taga-Nabua, Camarines Sur.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sa report ng pulisya, ang insidente ay naganap sa Brgy. Ilaor dakong 11:49 ng gabi.

Sakay ng mobile car ang dalawang pulis habang nagroronda sa lugar nang bigla barilin ng dalawang suspek.

Pagkatapos ng krimen, tumakas sina Jardinel at Bonaobra sakay ng motorsiklo.

Gayunman, naharang ang dalawang suspek sa inilatag na checkpoint ng mga tauhan ng Polangui Municipal Police Station sa Centro Poblacion, Polangui sa Albay.

“Recovered from the suspects were a Taurus 1911 caliber .45 pistol with Serial No. 389736 and the motorcycles used in the crime. Refereza's service firearm was found at the crime scene, while Ostonal's service firearm was missing," pahayag pa ni Calubaquib.

Niño Luces