Idineklara ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene o ang Quiapo Church bilang isang national shrine.

Sa ulat ng CBCP, inaprubahan ng mga obispo ang petisyon ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula para ideklara ang simbahan bilang ika-29 na national shrine ng bansa nitong Linggo, Hulyo 9, sa ginanap na 126th plenary assembly sa Kalibo, Aklan.

Ipinagkaloob umano ng CBCP sa Quiapo Church ang titulong “National Shrine of the Black Nazarene.”

“For many years, the home of the centuries-old and revered image of the Black Nazarene has served as a prominent landmark for pilgrims from all corners of the country,” anang CBCP.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Mula umano noong “traslacion,” o ang paglipat ng imahen mula Intramuros patungong Quiapo noong 1787, ang Quiapo Church ay umusbong bilang sentro ng debosyon para sa mga Pilipino, partikular na ang mga naghihirap.

Matatandaang noong buwan lamang ng Mayo nang itaas ni Archbishop Advincula ang Quiapo Church bilang isang archdiocesan shrine, kung saan kinikilala ang simbahan bilang isang pilgrimage site.

Noong 1987, itinaas ni St. John Paul II ang simbahan bilang Minor Basilica of the Black Nazarene dahil sa mahalagang papel nito sa pagpapaunlad ng popular na debosyon kay Jesu-Kristo at ang pangkulturang epekto nito sa mga gawaing pangrelihiyon ng mga Pilipino.