Halos ₱2M shabu, huli sa 3 'drug pushers' sa Quezon
Tatlong pinaghihinalaang drug pusher ang inaresto ng pulisya matapos masamsaman ng halos ₱2 milyong halaga ng illegal drugs sa Barangay Dalahican, Lucena City, Quezon nitong Linggo ng madaling araw.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad sina Alvin Gobrin Unlayao, 35, taga-Purok 6; Christian Cantor Aquino, alyas Kwatog, 39, taga-Purok 1, at Robert Driz Moreno, 35, taga-Purok 3A, Brgy. Dalahican, ayon kay Quezon Police director Col. Ledon Monte.
Sa ulat ng Lucena Police Drug Enforcement Unit (DEU), dinakip ang tatlong suspek sa ikinasang buy-bust operation sa naturang lugar.
Nasamsam sa operasyon ang anim na sachet at plastic bag na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,925,762.00.
Ang mga suspek ay nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165).