Sinimulan na ng pamahalaan ang pagpapatupad ng forced evacuation matapos matuklasang nasa 50 pa na pamilya ang naiwan sa isang barangay na nasasakupan pa ng 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) ng Bulkang Mayon.

Sa social media post ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Bicol Regional Office nitong Linggo, nililikas na ang mga nasabing pamilya na nasa Brgy. Anoling sa Camalig.

Ang mga nasabing pamilya ay nadiskubreng nananatili pa rin sa kani-kanilang lugar na saklaw ng permanent danger zone sa kabila ng tumitinding pag-aalburoto ng Mayon Volcano.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

“The 50 families from Barangay Anoling will be given temporary shelter at the Baligang Elementary School. Validation is still ongoing to account the exact number of families,” paliwanag ni DSWD Region 5 Director Norman Laurio.

Binanggit pa ng DSWD na tumutulong sa paglilikas ang mga tauhan ng Camalig Municipal Police Station, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at Municipal Disaster Response and Management Office (MDRRMO) ng Camalig local government unit (LGU).