Umabot na sa 70 million sign-ups ang “Twitter killer” ni Meta CEO Mark Zuckerberg na Threads makalipas lamang ang dalawang araw mula nang ilunsad ito.
“70 million sign ups on Threads as of this morning,” makikitang post ni Zuckerberg sa bago nitong text-based social media platform.
“Way beyond our expectations,” saad pa niya.
Matatandaang opisyal na inilunsad ng Meta ang Threads noong Huwebes, Hulyo 6.
“I am looking to the fun journey ahead to turn this into the kind of big and friendly community that I think we all want to see in the world,” ani Zuckerberg nang ianunsyo niya ang paglulunsad ng naturang app.
Ang Threads ay pinaniniwalaang pantapat sa Twitter na pag-aari at pinamamahalaan ni Elon Musk.
MAKI-BALITA: Meta, inilunsad ‘Threads’ app na pantapat daw sa Twitter
Ilang oras matapos ilunsad ang Threads, nag-tweet si Zuckerberg ng isang “meme” tungkol sa dalawang Spiderman cartoon na tinuturo ang isa’t isa, kung saan maaaring pinatutungkulan umano nito ang pagkakapareho ng Threads at Twitter.
Ang naturang tweet ang pinakaunang Twitter post ng Meta CEO mula Enero 2012.
MAKI-BALITA: ‘Matapos ilunsad ang Twitter rival na Threads’: Zuckerberg, nag-tweet ng ‘meme’
Samantala, makalipas din ang ilang oras ng paglulunsad ng naturang bagong app, nagbanta si Musk na idedemanda ang Meta dahil sa akusasyong kumuha umano ang Meta ng mga dating empleyado ng Twitter na may access pa rin daw sa “trade secrets” at iba pang “highly confidential information” ng naturang bird app.
MAKI-BALITA: ‘Matapos ilunsad ang Twitter rival na Threads’: Musk, nagbantang idedemanda ang Meta