Inihain ni Senador Jinggoy Estrada ang Senate Bill No. 2277 o ang Government Employees Free MA Tuition in SUCs Act na naglalayong gawing libre ang matrikula para sa mga kawani ng pamahalaan na kumukuha ng master’s degree sa state universities and colleges (SUCs).

Ayon kay Estrada, mahalaga ang papel ng mga kawani ng gobyerno sa human resources ng bansa, kaya mahalaga umanong mabigyan sila ng mga oportunidad na maitaas ang antas ng kanilang edukasyon at kasanayan.

“By enhancing the professionalization of civil servants, the efficient delivery of public services can be further improved, benefiting the people," ani Estrada.

Binanggit din ng senador na mayroon nang ilang ahensya na nagbibigay ng scholarship grants, tulad na lamang daw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Presidential Communications Office (PCO) sa mga kwalipikadong kawani na nagma-masteral.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Batay sa Inventory of Government Human Resources (IGHR) ng Civil Service Commission (CSC) noong Hunyo 30, 2022, mayroon umanong kabuuang 1,820,457 na career at non-career employees sa gobyerno.

Nasa ₱800 hanggang ₱1,500 bawat unit o nagkakahalaga ng ₱19,000 hanggang ₱50,000 ang tuition para makakumpleto ng 24-unit program at makakuha ng masteral degree. Bukod pa umano rito ang iba pang kaakibat na bayarin para sa pagtatapos ng nasabing programa.

Para naman maging kwalipikado sa naturang panukalang batas, kinakailangang nasa serbisyo nang hindi bababa sa limang taon at pumasa sa entrance examination at iba pang admission at retention requirements ng SUCs ang mga non-career contractual government personnel.

Hindi na rin kwalipikado ang mga nagawaran na dati ng government-sponsored graduate education scholarships sa alinmang higher education institution, pampubliko man o pribado, sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Nakasaad din sa panukala na madi-disqualify na sa benepisyo ang mga kawani ng gobyerno na mabibigong makatapos ng kanilang master's degree sa loob ng prescribe period ng kanilang graduate education program.