Lalaki, arestado sa pananakot sa 3 menor de edad sa QC
Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Fairview Station (PS 5) ang isang may-ari ng milk tea shop dahil sa umano'y pananakot sa tatlong menor de edad nitong Biyernes, Hulyo 7.
Kinilala ni Lt. Col. Elizabeth Jasmin, hepe ng PS 5, ang suspek na si Jose Monsior Agustin Ramos, 34, ng Barangay Fairview, Quezon City.
Ayon sa police report, naglalaro ng billiards ang tatlong 16-anyos sa isang milk tea shop na pagmamay-ari ng suspek sa Lilac Dahlia St. sa Barangay Greater Fairview dakong 5:30 ng hapon.
Habang naglalaro, nagpasya ang mga biktima na bumili ng milk tea sa kabilang milk tea shop na katabi ng tindahan ni Ramos.
Nagalit umano si Ramos at hinarap ang mga menor de edad at nagsalita ng hindi maganda.
Pagkatapos, ipinakita umano ng suspek ang kaniyang Glock air pistol sa mga biktima at pinagbantaan sila.
Dahil sa takot, iniulat ng mga biktima ang insidente sa kanilang mga magulang na agad namang humingi ng tulong sa pulisya na naging dahilan upang maaresto ang suspek.
Narekober ng pulisya ang nasabing baril kay Ramos.
Mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Republic Act 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, ayon sa pulisya.
Hannah Nicol/Manila Bulletin