Kasinungalingan daw ang mga kumakalat na tsikang matatapos na sa pag-ere ang "Eat Bulaga!" ng Television and Production Exponent Inc. o TAPE, Inc. at hanggang katapusan na lamang ng Hulyo 2023 ito, dahil sa hindi makasipa sa TV ratings sa mga katapat na noontime shows.

Iyan mismo ay paglilinaw ng bagong legal counsel ng kompanya na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, dahil aniya, patuloy pa rin naman daw tinatalingkilik ng mga manonood ang programa.

Marami raw ang nagsasabing tila pinakain ng alikabok ang nabanggit na noontime show, ng grand launching sa TV5 ng "E.A.T." nina Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon na mas sikat sa tawag na "TVJ," gayundin ng paglilipat-bahay ng "It's Showtime" ng ABS-CBN sa GTV, sister channel ng GMA Network, noong Hulyo 1.

Paliwanag ng abogado, oo nga't mas maingay ang dalawang karibal na shows noong unang araw ng Hulyo subalit habang tumatagal ay umaangat na raw ang TV ratings nito at nakakabawi-bawi na.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“We do not contest that on July 1, mababa ang rating of 'Eat Bulaga' because of the anticipation of people on the launch of new shows, but thereafter, makikita na tumataas na ulit ang ratings nito," pahayag ni Atty. Abraham-Garduque sa panayam ng GMA Integrated News.

“Eat Bulaga segments are doing great, lalo na yung segment ni Yorme (Isko Moreno) and Buboy (Villar)," na tumutukoy sa "G sa Gedli" kung saan lumalabas sa kalsada ang dalawa upang humanap ng mananalo ng cash prize.

Patok din umano sa mga miyembro ng motorcycle associations ang “Hey! Mr. Rider."

“Ang Eat Bulaga ay para sa tao at hanggang maraming manonood, ang tumatangkilik, patuloy ang Eat Bulaga sa pagbibigay ng saya at tulong sa mga kababayan natin," giit pa ng abogado, na nagsabi ring pinag-iisipan umano ng pamunuan ng TAPE kung magdedemanda sa mga nagpapakalat ng fake news.

Sa kasalukuyan, ang mga bagong host ng EB ay sina Paolo Contis, Buboy Villar, Betong Sumaya, Mavy Legaspi, Cassy Legaspi, Alexa Miro, Kimpoy Feliciano, at dating "Yorme" ng Maynila na si Isko Moreno.

Noong Hulyo 1, buong pagpapakumbabang nagbigay ng mensahe sina Paolo at Isko sa TVJ gayundin sa kanilang bagong kapitbahay na It's Showtime.

MAKI-BALITA: Paolo, Isko nagpahatid ng pagbati sa TVJ, winelcome ang It’s Showtime