Umalma ang nanay ni AJ Raval na si Alyssa Alvarez sa mga netizen na kumukuwestyon kung bakit hindi raw siya na-gong nang sumali siya sa "Tawag ng Tanghalan" ng noontime show na "It's Showtime" noong Hulyo 5, 2023.
Inawit ni Alyssa ang walang kamatayang awiting "Sana'y Wala Nang Wakas."
Sa kaniyang TikTok video, inamin naman ni Alyssa na alam niyang hindi perpekto ang kaniyang pagkakakanta, subalit malaki ang pasasalamat niyang hindi siya nabilangan ng mga hurado, hudyat ng paghampas sa gong.
Giit ni Alyssa, hindi rin naman siya nakaligtas sa "constructive criticism" ng mga hurado, ibig sabihin, hindi ito tungkol sa "pangalang" bitbit niya sa showbiz. Matatandaang matagal na matagal nang mag-lie low sa industriya ang nanay ni AJ.
Hindi naman daw popularity contest ang TNT na isang singing contest.
Ani Alyssa, matapos daw ang pagkanta sa TNT ay nagkaroon siya ng lagnat, sipon, at ubo kaya namahinga na muna siya. Nagbasa-basa raw siya ng komento sa social media para hindi mainip.
"Hayun nga, minsan may mga taong ang kikitid ng utak...actually hindi ko alam kung matatawa ako o magagalit ako," ani Alyssa.
Ibinahagi naman niya ang iba't ibang reaksiyon at komento sa kaniya ng ilang netizens na nakapukaw ng kaniyang atensyon. Una rito, isang netizen ang nagsabing hindi niya na-hit ang nota.
"Aminado naman ako, kasi nasa live na contest ako, hindi ko naman naiiwasan 'yong nerbisyosin. Normal lang yun pero hindi naman malala yung mga hindi ko tinamaang nota. Pero okay lang yun, hindi naman ako galit sa kaniya," ani Alyssa.
Sumunod naman, isang netizen ang nagsabing may "pangalan" daw kasi siya kaya hindi na-gong at kahit maraming "super flat."
Ito ang pinalagan ni Alyssa. Aniya, may isa pang artista na sumali sa TNt pero gong dahil hindi naman daw pangalan ang pinag-uusapan sa TNT.
"Iyon ha, sikat talaga yun, pero na-gong siya, eh ako hindi naman ako sikat eh," paliwanag ni Alyssa. "Singing contest yun, hindi yun popularity contest."
"Ang mahalaga kasi naitawid ko yung kanta..."
Pinatulan naman ni Alyssa ang mga nagsabing dapat i-gong siya.
"Sana kayo na lang nag-judge," ani Alyssa.
"Anong klaseng mindset yung alam ninyo? Pag ba na-gong yung isang contestant magiging masaya kayo? Ang tatangkad naman ng mga sungay n'yo sa ulo! Magaling ba kayong kumanta? Singer din po ba kayo? Baka nga mamaya hindi pa kayo mga tax payers eh, para magkaroon kayo ng ambag sa Pilipinas. Hay naku, sayang kasi kapwa mo Pilipino ganyan."
"Magtrabaho kayo ha, nang maayos para sa pamilya n'yo, mangarap din kayo," huling mensahe ni Alyssa sa bashers.