Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) na maaari nang isagawa ang aplikasyon para sa akreditasyon at pagpaparehistro ng Collective Negotiation Agreements (CNA) sa pamamagitan ng online na moda.
Ibinahagi ito ni CSC Chairperson Karlo Nograles, na namumuno rin sa Public Sector Labor Management Council (PSLMC), isang inter-agency body na tumutugon sa mga may kaugnayan sa government employee organizations, nitong Biyernes, Hulyo 7.
“Allowing electronic filing of applications for accreditation and CNA registration will fast track processes and make availing of said services more convenient to employee organizations nationwide,” ani Nograles.
“Facilitative processes translate to employee organizations being able to enjoy benefits and protection provided under the law,” dagdag niya.
Bago ang naturang anunsyo, personal na inihahain ang mga aplikasyon o petisyon para sa akreditasyon at pagpaparehistro ng CNA sa pamamagitan ng registered mail o ng courier service.
Sa pamamagitan ng PSLMC Resolution No. 01 na may petsang Pebrero 2023, maaaring gamitin ng employee organizations ang electronic filing sa pamamagitan ng opisyal na pakikipag-ugnayan sa Human Resource Relations Office (HRRO) ng CSC sa pamamagitan ng [email protected].
Kinakailangan namang ipadala sa HRRO ang petisyon at lahat ng supporting documents na dapat nasa portable document format o PDF.
Nakasaad din umano sa PSLMC Resolution na ang electronic filing ng petition for accreditation at CNA registration ay magiging sufficient basis para maproseso ang mga aplikasyon.
Gayunpaman, ilalabas lamang ang Certificates of Accreditation at CNA Registration kapag naisumite na ang orihinal na mga dokumento sa HRRO.
Binigyang-diin ni Chairperson Nograles na ang mga rehistradong organisasyon ng empleyado lamang ang maaaring mag-apply para sa akreditasyon.
“Accreditation confers on an employee organization the right to be the sole and exclusive negotiating agent of the organizational unit they represent,” anang CSC.
Sa kabilang banda, ang accredited employee organizations lamang umano ang maaaring magparehistro ng kanilang mga CNA sa CSC.
Ayon pa sa CSC, noong Marso 2023, umabot na sa 1,371 ang kabuuang bilang ng accredited employee organizations sa buong bansa, habang ang 753 ang bilang ng active registered CNAs.
Naka-post naman umano sa www.csc.gov.ph ang application requirements para sa naturang accreditation application at CNA registration.