Camp G. Nakar, Lucena City - Inihayag ni Quezon Police Provincial director Col. Ledon Monte nitong Sabado na nag-alok na ng pabuya ang gobyerno sa ikaaaresto ng isang suspek sa pagpatay sa isang barangay chairman sa Sariaya nitong Biyernes ng gabi.
Sa panayam kay Ledon, nasa ₱200,000 reward ang iniaalok ng Quezon Provincial Government at Sariaya government para sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa pinagtataguan ng suspek na si Marvin Fajarda Flores, 26, taga-Barangay Bignay 2, Sariaya.
Itinuturo si Flores bilang suspek sa pagpatay kay Brgy. Guis-Guis San Roque chairman Benedicto Alcaide Robo sa nasabing lugar nitong Biyernes ng gabi.
Bago ang insidente, sinita ng Robo ang suspek dahil sa pagiging magulo sa mga nanonood ng liga ng basketball sa nasabing lugar.
Gayunman, sinundan ng suspek ang biktima sa labas ng basketball court kung saan niya ito binaril.
Dead on arrival sa Lucena Doctors Hospital sa Lucena City ang biktima dahil sa tama sa katawan.
Matapos ang pamamaril, kaagad na tumakas ang suspek dala ang ginamit na armas.