Aabot sa 610,054 na magsasaka ang mabibigyan ng lupang sakahan kasunod na rin ng pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa New Agrarian Reform Emancipation Act nitong Hulyo 7.
Sa talumpati ng Pangulo nitong Biyernes sa Malacañang, hinikayat nito ang mga agrarian reform beneficiary (ARB) na paunlarin ang kanilang lupang sakahan at siniguro ang suporta ng pamahalaan sa kanila at kanilang pamilya sa pamamagitan ng mabilis na paggawad ng titulo, credit facilities, support services at infrastructure development.
Ang nasabing batas aniya ay magpapalakas sa pagsusulong ng pamahalaan na matamo ang food security ng bansa.
Kaugnay nito, pinangunahan din ni Marcos ang pamamahagi ng titulo ng lupa sa mga agrarian reform beneficiary.
Dahil sa pamamahagi ng lupang sakahan, madadagdagan na ng isang milyong ektarya ng nakatiwangwang na lupa ang tataniman ng palay.
“Napakalaking bagay nito. Just think it’s two and a half million hectares, more or less, planted to rice. Now, it will be three and a half million planted to rice, wala pa doon ‘yung second cropping. Wala pa doon ‘yung third cropping,” anang Pangulo.
“Kaya’t kasama ito sa ating pinoprograma ng Department of Agriculture para pagandahin ang ating produksyon, pababain ang cost of production para naman masasabi natin na sapat ang supply ng bigas para sa ating mga mamamayan sa buong taon,” dagdag pa ni Marcos.