Inilabas na ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang kautusan nito na umangkat ng 150,000 metriko toneladang asukal upang matustusan ang pangangailangan ng bansa.

Layunin din ng hakbang ng pamahalaan na madagdagan ang imbak na asukal ng bansa, ayon sa SRA.

Sa ilalim ng Sugar Order (SO) No. 7, obligado ang mga importer na gumawa ng paraan upang dumating sa bansa ang inangkat nilang asukal bago sumapit ang Setyembre 15, 2023.

Ito na ang ikalawang pagkakataong umangkat ng asukal ang pamahalaan ngayong taon. Nitong Pebrero, iniutos ng SRA na umangkat ng 440,000 metriko toneladang refined sugar para sa domestic consumption.

Matatandaang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nitong Mayo na umangkat ng 150,000 metriko tonelada ng asukal upang mapatatag ang presyo nito at madagdagan na rin ang imbak ng bansa.