Inihayag ng Social Weather Station (SWS) nitong Huwebes, Hulyo 6, na hati ang opinyon ng mga Pilipino hinggil sa inaasahang benepisyo na makukuha ng bansa mula sa Maharlika Wealth Fund (MWF).
Ayon sa SWS, nasa 51% ang nagsabing ng kaunti o walang benepisyo lamang ang kanilang inaasahan mula sa MWF, habang 46% ang umaasa ng malaking benepisyo mula rito.
Sa naturang 51% ng mga Pilipino, 37% umano ang nagsabing maliit na benepisyo lang ang inaasahan nila mula sa MWF habang 14% ang nagsabing halos wala silang inaasahang magiging benepisyo mula rito.
Samantala, sa 46% ng mga Pinoy na umaasa ng malaking benepisyo, 14% ang umaasa ng sobrang laking benepisyo at 32% ang umaasa ng malaking benepisyo mula sa MWF.
Sa kaparehong survey, 31% umano ang nagsabing tiwala silang hindi mauuwi sa korapsyon ang MWF habang 29% ang hindi masyadong tiwala hinggil dito.
Ibinahagi rin ng SWS nitong Huwebes na 47% ng mga Pinoy ang halos wala o walang kaalaman tungkol sa MWF.
MAKI-BALITA: 47% ng mga Pinoy, halos wala o walang kaalaman tungkol sa Maharlika Wealth Fund – SWS
Isinagawa umano ang nasabing survey mula Marso 26 hanggang Marso 29 sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, at may sampling error margin na ±2.8%.