P3.1-M halaga ng imported 'shabu', nasamsam!
PAMPANGA -- Arestado ang isang lalaking claimant na may bitbit na 458 gramo ng umano'y imported na shabu matapos ang isinagawang controlled delivery operation sa Gen. Lucban St., Barangay Bangkal, Makati City nitong Miyerkules ng gabi, Hulyo 5.
Ayon sa ulat, ipinadala ang parcel sa nagngangalang Adrian Lagar, na ang tunay na pangalan ay Adrian Lagarde, 31, at residente ng Barangay Lucban, Makati City.
Nabatid ng PDEA Central Luzon na ang parcel na naglalaman ng umano'y shabu ay mula pa sa Philadelphia sa Estados Unidos.
"The shipment arrived at the Port of Clark last July 3, 2023. The parcel was declared as a bread toaster and consigned to Lagarte," anang team leader ng PDEA.
Nakumpiska mula kay Lagarde ang 458 gramo ng crystal meth na may tinatayang street value na P3,114,400.
Ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan ng pinagsanib-puwersa ng PDEA Pampanga Provincial Office, PDEA RO III Airport Interdiction Unit, Bureau of Customs (BOC) Port of Clark, PDEA NCR, at lokal na pulisya.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 (importation of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 ang naarestong claimant.