Lacuna, nagpaalala sa mga residente: 'Sarili at mahal sa buhay, tiyaking ligtas sa oras ng sunog'
Lacuna, nagpaalala sa mga residente: 'Sarili at mahal sa buhay, tiyaking ligtas sa oras ng sunog'
Mahigpit ang paalala ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente na tiyaking ligtas ang sarili at mga mahal sa buhay kapag may sunog.
Ang paalala ay ginawa ni Lacuna matapos na pangunahan ang distribusyon ng tig-P10,000 financial assistance sa may 131 pamilya na nasunugan ng bahay sa iba't ibang lugar sa Maynila kamakailan.
Nabatid na ang mga padre/ madre de familia ng mga nasunugang pamilya ay tinipon sa Manila City Hall sa pamamagitan ng social welfare department head na si Re fugoso, para sa nasabing distribusyon ng mga biktima ng sunog upang makapagsimulang muli.
"Ang akin lang pong paalala, maging aral po sana ito sa ating lahat. Wala naman pong gusto na masunugan. Lagi po tayong mag-iingat at sa mga ganito pong sitwasyon, lagi po n'yong uunahin ang inyong mga sarili at pamilya. Ang mga gamit po, mapapalitan at mapapalitan 'yan, pero ang buhay po," anang alkalde.
Umaasa naman ang alkalde na bagamat hindi kalakihan ang naiabot nilang ayuda ay makakatulong pa rin ito upang makapagsimula silang muli ng kanilang buhay.
"Ang importante po diyan, kapag may ganitong sakuna, ay nakakabangon po tayong muli. At ang inyo naman pong pamahalaan ay hindi titigil na kahit paano ay makatulong naman po kami sa inyo maliit man po maibigay namin sa inyong tulong, sigurado naman po na kahit paano ay makapagsisimula kayong muli diyan po ay maaasahan nyo ang inyong pamahalaan, ang pamahalaang-lungsod ng Maynila," dagdag pa ni Lacuna.