Kinumpirma ng DOH: Mga evacuee sa Albay, nagkakasakit na!
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nagkakasakit na ang mga residente na lumikas dahil patuloy na pag-aalburoto ng Mayon Volcano.
Sa idinaos na pulong balitaan nitong Miyerkules, binanggit ng DOH-Bicol Center for Health and Development (CHD) na nangunguna sa idinadaing ng mga evacuee ang nararanasang ubo at sipon.
Sa datos ng Surveillance in Post Extreme Emergencies and Disasters (SPEED) Daily Morbidity and Daily Consultation Reporting Linelist ng DOH, nasa 1,205 na ang tinamaan ng ubo, sipon at sore throat.
Umabot din sa 360 ang nilagnat, 204 ang nakaranas ng sakit ng ulo at 157 naman ang tinamaan ng loose bowel movement (LBM).
Umabot naman sa 150 ang nakaranas ng high blood pressure, sumakit ang ngipin (131), nagkaroon ng skin disease (74) at 70 naman ang nagkaroon ng abdominal pain.
Tiniyak naman ng DOH na tinutugunan na nila ang usapin dahil may mga medical help desk na sa mga evacuation center.
Matatandaang napilitang lumikas ang libu-libong residente na saklaw ng 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil na rin sa tumitinding pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.