National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Nagbabala muli ang Department of Budget and Management (DBM) sa publiko laban sa mga fixer at manlolokong indibidwal na nagkukunwaring opisyal at kawani ng gobyerno.

Sa Facebook post ng DBM, binanggit nito na gawain ng mga ito na mangako ng mabilis at siguradong transaksyon kapalit ng pera o bayad sa inilalakad na dokumento o proseso nito sa nasabing ahensya.

Umapela rin ang DBM sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) na mas palakasin pa ang paglulunsad ng operasyon upang mahuli ang mga fixer at scammer na ginagamit ang ahensya.

Kaugnay nito, nanindigan ang DBM sa integridad at katapatan ng mga proseso at transaksyon nito na maingat na sumusunod sa umiiral na mga batas, alituntunin at regulasyon, lalung-lalo na sa pagpapalabas ng pondo ng taumbayan.

Tinukoy ng DBM na ang pagsusumite ng mga request para sa Local Government Support Fund–Financial Assistance (LGSF-FA) ay sa pamamagitan lamang ng Digital Requests Submission for Local Government Support Fund (DRSL) na makikita sa DBM Apps Portal.

Pagdidiin ng ahensya, ang lahat ng dokumentong isusumite sa ibang paraan ay awtomatikong hindi tatanggapin.

Binigyang-diin pa ng DBM, hindi nito kinukunsinti at hindi kailanman magbibigay ng awtorisasyon sa mga indibidwal o grupo upang humingi ng pera, goods o pabor kapalit ng mabilis na transaksyon dahil labag ito sa batas.