QUEZON - Pinaghahanap na ng pulisya ang isang seaman matapos nitong barilin ang kanyang bayaw sa Tiaong nitong Martes ng umaga.
Sa ulat ng pulisya, ang suspek ay nakilalang si Enrico Perez, taga-Sitio Centro, Tiaong, na tumakas matapos ang krimen.
Binaril ng suspek si Pedro Din, 43, tricycle driver, taga-nasabi ring lugar, habang ito ay kumakain sa Sitio Panghulan, Barangay Bula nitong Hulyo 4 ng umaga.
Dead on the spot ang biktima sanhi ng tama ng bala sa katawan, ayon sa pulisya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, personal na alitan ang motibo sa pamamaslang.
Sa pahayag naman ng mga kaanak ng suspek, nakararanas umano ng depresyon ang suspek.