Kinilala at pinuri ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines - Office on the Protection of Minors (CBCP-OPM) ang inisyatibo ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na itatag ang "Mahalin at Kalingain ating mga Bata" o "Makabata Hotline program" laban sa Child Labor.
Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ng CBCP-OPM, malaking tulong ang programa upang mapaigting ang pakikiisa maging ng mga payak na mamamayan sa pangangalaga sa karapatan ng mga bata.
Ani Mallari, sa tulong ng proyekto, mabilis na maipaparating sa DSWD at DOLE ang kaso ng ibat-ibang uri ng pang-aabuso sa mga batang dapat sana ay malayang nakakapag-aral.
"Nagpapasalamat ako sa mga nasabing DOLE & DSWD officials sa paglulunsad nila ng MAKABATA HOTLINE, ito ay napakalaking tulong upang matugunan kaagad ang mga pang-aabuso sa mga bata kahit sa anomang paraan, sana ang mga concerned citizens ay makipagtulungan sa mga nasabing ahensiya upang maireport nila ang mang klaseng pang-aabuso na ginagawa sa mga bata," bahagi pa ng mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa church-run Radio Veritas.
Nabatid na sa tulong ng Makabata Hotline ay maaaring isumbong ng mga concerned citizens sa DOLE at DSWD ang mga kaso ng child labor at child abuse sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa 0-9-6-0-3-7-7-9-8-6-3, 0-9-1-5-8-0-2-2-3-7-5 at email address na [email protected].