Nagpahaging ang showbiz columnist na si Cristy Fermin na tila bukas ang Wowowin host na si Willie Revillame na magkaroon ng pag-uusap sa pagitan niya at sa mga namamahala ngayon sa TAPE, Incorporated sa pangunguna ng magkapatid na Jon-jon at Mayor Bullet Jalosjos.
Naitsika ni Cristy sa kaniyang programang "Cristy Ferminute" nitong Lunes, Hulyo 3, 2023, na naimbitahan daw pala ng magkapatid na Jalosjos si Willie na mag-guest sa "Eat Bulaga!" sa GMA Network upang mag-guest sana sa pasiklaban ng kanilang mga katapat na show, ang "E.A.T." ng TVJ sa TV5, at "It's Showtime" naman sa GTV noong Sabado, Hulyo 1, 2023.
Tsika ni Cristy, si Willie sana ang ipantatapat ng TAPE kina Megastar Sharon Cuneta na nag-iisang guest ng TVJ sa kanilang noontime show, at sa Kapuso stars na bumisita naman sa bonggang production number ng Showtime.
Ngunit tinanggihan daw ni Willie ang alok dahil sa prinsipyong iginagalang niya ang TVJ at ayaw niyang tapatan sila.
"Ang gusto po nila, lumabas si Willie (Revillame) sa di-lehitimong Eat Bulaga! at tatapatan ang unang sultada ng Tito, Vic, and Joey at Dabarkads dito po sa TV5. Gusto nila noong Sabado. Isa lang ang sinabi ni Willie, 'Matindi ang respeto ko sa Tito, Vic, and Joey. Hindi ko magagawa 'yon.' Ang ganda 'di ba?" sey ni Cristy.
Nabanggit naman ni Cristy na kung ang pag-uusapan nila ay tungkol sa Wowowin, baka raw magkaroon ng dayalogo sa pagitan nila.
"Pero, kung ang dahilan kung bakit n'yo ko kaharap ngayon ay ang Wowowin, sige pag-usapan natin," saad pa raw ni Willie.
Kung matatandaan, noong nasa ABS-CBN pa si Willie, nakatapat na rin niya ang TVJ sa noontime dahil sa kanilang "Magandang Tanghali Bayan (MTB)" at "Wowowee."
Sa ngayon, hindi na umeere ang Wowowin sa nilipatang network ni Willie na ALLTV, na pagmamay-ari ng kaniyang kaibigang si dating senador Manny Villar, at kasalukuyang gumagamit sa dating frequency ng Kapamilya Network noong may prangkisa pa.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Willie tungkol dito.
MAKI-BALITA: Willie inisnab ang imbitasyong mag-guest sa ‘Eat Bulaga!’ ng TAPE