Pinalawig pa ng Manila Cathedral ang idinaraos na 'Papal Visit Memorabilia Exhibit' hanggang sa Linggo.
Sa abisong inilabas ng Manila Cathedral, nabatid na bukas pa rin ang naturang exhibit hanggang sa Hulyo 9, 2023.
Dapat sana ay hanggang Hulyo 2 lamang ang exhibit, na matatagpuan sa Blessed Souls Chapel sa loob ng simbahan sa Intramuros, Maynila.
Gayunman, nagpasya ang Manila Cathedral na palawigin ang exhibit upang mas maraming Katoliko at mananampalataya ang makabisita at personal na makakita dito.
Napag-alamang kasama sa Papal Visit Memorabilia Exhibit ang Pope Mobile na ginamit ni Pope Francis noong dumalaw siya sa Maynila noong 2015.
Makikita rin dito ang iba’t ibang liturgical at extra-liturgical items na ginamit nina St. Paul VI, St. John Paul II at Pope Francis nang sila ay bumisita sa Pilipinas.