Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes, Hulyo 4, 2023,  sa lahat ng residente ng Maynila na tumulong upang proteksyunan ang mga proyekto ng lungsod laban sa bandalismo at pagnanakaw.

Ginawa ni Lacuna ang panawagan makaraang pangunahan ang pag-iilaw ng may 29 lamp posts sa kahabaan ng Yuseco Street mula Jose Abad Santos hanggang Rizal Avenue.

Kasama niya sa naturang aktibidad sina Vice Mayor Yul Servo, Congressman Joel Chua (3rd district), Councilors Jong Isip, Fa Fugoso, Tol Zarcal at Terrence Alibarbar, at iba pa.

Sa kanyang maiksing mensahe, pinasalamatan ni Lacuna ang Manila City Council na pinamumunuan ni Servo bilang Presiding Officer, dahil sa pagtatrabaho nito ay napabilis ang approval ng mga pondo na kailangan upang maipatupad ang mga programa at proyekto ng administrasyon.

National

Hontiveros, nauunawaan ilang senador na binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

Nagpahayag din ng pasasalamat si Lacuna kay Congressman Chua na ayon sa kanya ay nangako na magbibigay ng tulong kapag kinakailangan.

"Kapag di na kaya (ng pamahalaang-lokal), siya (Chua) naman daw ang magpapailaw," sabi ni Lacuna.

"Ipangako n'yo sa amin na sana ay mabantayan nyo ang ating mga ilaw laban sa nagpuputol ng kable at masasamang-loob...i-report nyo kaagad. 'Wag kayo mag-atubili dahil pinaghirapan ng pamalaan ito. Sayang naman ang pondo. Pag-ingatan ninyo ang lahat ng inilalagay sa inyong lugar," apela ni Lacuna sa mga barangay officials at residente na naroroon, sa pangunguna ni Chair Ann Kristine Abella.

Samantala, pinasalamatan din ng alkalde si City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac at ang Meralco sa patuloy na pagpapailaw ng mga kalye bilang dagdag-proteksiyon sa mga residente na nais maglakad ng ligtas doon.

Nabatid na ang Yuseco street lighting, na sumasakop ng kabuuang walong barangay sa second at third districts, ay ang ikatlong bahagi ng lighting program ng lungsod.

Ang unang bahagi nito ay sumasakop sa Lacson-España area at ang second phase naman ay ang Fugoso Street.

Sinabi ni Lacuna na layunin ng programa na tulungan ang barangay officials na nagpapatrulya sa mga kalye sa gabi.

Tiniyak rin niya na ang lighting program ay magpapatuloy hanggang sa mailawan na ang lahat ng kalye sa Maynila.

"Umasa kayo na sa abot ng makakaya ng inyong pamahalaan ay magpapatuloy ang ganitong mga simple pero makabuluhang proyekto para masiguro ang inyong proteksyon lalo na sa araw-araw nyong pamumuhay," paniniyak ni Lacuna.