Lacuna, magdaraos ng SOCA sa Hulyo 11
Nakatakdang isagawa ni Manila Mayor Honey Lacuna ang kaniyang state of the city address (SOCA) sa Hulyo 11, 2023, Martes.
Sa kaniyang directional meeting nitong Lunes, hiniling ni Lacuna sa lahat ng department heads na magsumite ng kanilang accomplishment na magiging bahagi ng kanyang basehan sa kanyang SOCA.
Samantala, hinikayat din ng alkalde ang lahat ng mga pinuno ng tanggapan, departmento at kawanihan na kumbinsihin ang kanilang mga kawani na samantalahin ang free medical checkup na ibinibigay ng city government employees’ clinic (CGEC).
Ayon kay Lacuna, kapuna-puna na may isang buwan na nang inalok ang free checkup pero hindi lahat ng mga empleyado ay nag-avail nito.
Umaasa naman si Lacuna na ang mga pinuno ng lahat ng mga tanggapan ay magdo-doble kayod para hikayatin ang kanilang sariling staff na magpa-check up hanggang sa huling araw nito sa Hulyo 15.
Bilang isang doktor, binigyang-diin ni Lacuna ang kahalagahan na sa maagang panahon ay matugunan na kung anong karamdaman mayroon ang isang empleyado. At ito ay malalaman lamang sa pamamagitan ng medical checkup.
Sinabi pa ng lady mayor na nakalulungkot din kung minsan kapag may isang kawani o opisyal ang namatay dahil sa sakit na maaari namang maiwasan kapag nalaman ng maaga.
Ayon kay Lacuna, totoo ang kasabihang ‘health is wealth’ dahil kapag ang mga city workers ay malulusog, maasahan mo na magiging mahusay sila sa kanilang trabaho at mga residente ang makikinabang at ang lungsod sa pangkalahatan.