Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Hulyo 4, na dumating na ang El Niño sa Tropical Pacific.
Dahil dito, itinaas na rin ng PAGASA ang El Niño-Southern Oscillation Alert System status sa El Niño advisory mula El Niño alert.
Ayon kay Ana Liza Solis, chief ng climate monitoring and prediction section ng PAGASA, nagpapakita ang El Niño ng mga sensyales ng unti-unting paglakas nito sa mga huling quarter ng taon.
Gayunpaman, maaari pa rin umanong makaranas ang ilang bahagi ng bansa ng halos mas mataas sa normal na pag-ulan sa pagitan ng Hulyo at Setyembre.
Ayon din sa PAGASA, maaaring magdulot ang El Niño ng mga tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa sa pagitan ng huling quarter ng 2023 at unang kalahating bahagi ng 2024.