Naglabas nitong Lunes ang Department of Education (DepEd) ng ilang mga mahahalagang paalala para sa nalalapit na pagdaraos ng End-of-School Year (EOSY) Rites ng School Year 2022-2023.

Ayon sa DepEd, ang EOSY Rites ngayong taon ay dapat na idaos ng hindi mas maaga sa Hulyo 10 at hindi rin lampas sa Hulyo 14, 2023.

Anang DepEd, dapat na simple ngunit makabuluhan ang moving up at graduation ceremony.

Anito, ang pagdalo sa field trips, film showing, JS Promenade at ibang katulad na aktibidad ay hindi dapat ipatupad bilang requirement para sa graduation o completion.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

Para naman anila sa paggawad ng karangalan o honors sa mga mag-aaral mula Grade 1-12, dapat na sundin ang nakasaad sa Department Order No. 36, s. 2016 o ang Policy Guidelines on Awards and Recognition for K to 12 Basic Education Program.

Binigyang-diin din ng DepEd na hindi dapat na gamitin ang moving up o graduation rites ceremony bilang isang political forum.

Hindi rin umano pinahihintulutan ang sinumang DepEd personnel na mangolekta ng anumang kontribusyon o graduation/moving up fee.

Inirerekomenda rin naman ng DepEd ang pagsusuot ng casual o formal wear o school uniform para sa seremonya.

Maaari rin namang magsuot ng toga o sablay bilang dagdag na kasuotan.

Samantala, para naman sa mga pribadong paaralan, maaari nilang sundin ang mga probisyong nakasaad sa DO No. 09, s. 2023 sa pagsasagawa ng moving up at graduation ceremony.

Ang EOSY Rites ngayong taon ay may temang Gradweyt ng K to 12: Hinubog ng Matatag na Edukasyon (K to 12 Graduates: Molded through a Resilient Educational Foundation).