Pinakasalan ng alkalde ng isang maliit na bayan sa Mexico ang isang babaeng buwaya sa isang tradisyonal na seremonya upang magdala umano ng magandang kapalaran sa kaniyang mga nasasakupan.
Sa ulat ng Agence France-Presse, nire-enact ang isang ancestral ritual sa kasal ni Victor Hugo Sosa, alkalde ng San Pedro Huamelula, isang bayan ng mga Katutubong Chontal sa Tehuantepec isthmus ng Mexico, sa isang buwaya na pinangalanang Alicia Adriana.
Nanumpa umano si Sosa na magiging totoo siya sa tinawag nilang "the princess girl."
"I accept responsibility because we love each other. That is what is important. You can't have a marriage without love... I yield to marriage with the princess girl," saad ni umano ni Sosa sa ritwal na inulat ng AFP.
Bago ang seremonya ng kasal, dinala ang reptilya sa bahay-bahay upang mahawakan ng mga naninirahan doon at maisayaw.
Nakatali naman ang nguso ng buwaya upang maiwasan ang anumang panganib.
Kalaunan, isinuot na sa buwaya ang puting pangkasal na kasuotan at dinala sa bulwagan ng bayan para sa seremonya ng kasal.
Bilang bahagi ng ritwal, ayon pa sa ulat ng AFP, inihagis ng isang lokal na mangingisda ang kaniyang lambat at idineklara ang pag-asang magdudulot ang naturang kasalan ng kapayapaan at mabuting pangingisda para sa kaunlaran.
Pagkatapos ng kasal, sumayaw ang alkalde kasama ang kaniyang “bride” sa gitna ng tradisyonal na musika.
"We are happy because we celebrate the union of two cultures. People are content," ani Sosa sa AFP.
Naganap umano sa lugar ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babaeng buwaya sa loob ng 230 taon upang gunitain ang araw kung kailan nagkaroon ng kapayapaan ang dalawang grupong Katutubo sa pamamagitan ng kasal.
Sinasabi ng kanilang tradisyon na nalampasan ang mga sigalot nang magpakasal ang isang hari ng Chontal, na kinatawan ng alkalde sa kasalukuyan, sa isang prinsesa ng grupong Katutubong Huave, na kinakatawan naman ng babaeng buwaya.
Nakatira umano ang mga Huave sa kahabaan ng coastal Oaxaca state, hindi kalayuan sa bayan ng San Pedro Huamelula sa Mexico.
“[The wedding allows the sides to] link with what is the emblem of Mother Earth, asking the all-powerful for rain, the germination of the seed, all those things that are peace and harmony for the Chontal man," paliwanag naman ni Jaime Zarate, historyador ng San Pedro Huamelula sa ulat ng AFP.